PIPAY Season 1 Episode 3
PIPAY, THE PRESIDENT
I move to close the nomination. Bigla agad kong sabi bago pa maka-nominate ang seatmate ko.
“I second the motion.” Chorus ng buong klase.
Masama bang i-nominate ang sarili ko? It shows leadership skills, determination and sincerity. I want to lead this class. Bakit ko pa iisipin kung anong sasabihin nila sa akin. I can nominate myself. AKO NA RIN ANG NAG-NOMINATE SA MGA MAGIGING KALABAN KO. Siyempre, ako na rin ang nag-close ng nomination. Mautak ‘to noh.
Tulad ng tunay na halalan sa pulitika, pinag-speech kaming tatlong nominees. Nauna na ang dalawa at ako ang huli. Halos maihi ako habang pinapakinggan ko ang pagkumbinsi nila sa mga classmates namin para iboto sila. Namali ata ako ng piniling mga kalaban. Pinili ko ‘yung dalawa kasi nakita kong may shadow teachers sila. Nakupo! Maling game plan. Pa’no naman, kung mag-English sila, parang one week pa lang sila dito sa Pilipinas. Piece of cake sa kanila ang mag-English. Habang sa’kin, piece of sweet potato. Kamote! Nangangamote.
Kaya nung ako na, parang biglang dumaloy ang lahat ng dugo ko pababa sa talampakan ko. Parang akala mo na-marinate sa suka ang lips ko ng isang linggo. Kaya kailangan kong gumawa ng paraan.
Dalawang buwan mula ngayon ay ipagdiriwang natin ang Linggo ng Wika. (Segwey ko.)
Kaya marapatin ninyong gamitin ko ang maharlikang Tagalog at ipagbunyi ang dangal ng ating lahi. Ako ang inyong lingkod, Felipa Canates tumatakbo bilang …
Nagsipalakpakan mga inglesera kong classmates kahit ‘di pa ako tapos mag-speech. Akala mo nakarinig sila ng foreign language. At saka nag-chant na sinisigaw ang pangalan ko.
“Felipa! Canates! Felipa! Canates”
Nabanguhan at nasarapan ako sa pagkakasigaw nila ng pangalan ko. Dinig ko: Tinapa! Kamatis!
Kaya hayun, tagumpay ang lahi ko. Ako ang na-elect na class president. Sa sumunod na part ng election, ako na ang nag-preside.
Bukás na ang palapag sa pagpili ng aking dakilang alalay. (English translation: The floor is now open for vice-president.)
Walang nagtaas ng kamay at nag-nominate. ‘Di ko alam kung bakit. Anong masama sa sinabi ko? Mali ba ang pag-Tagalog ko sa linyang ‘yun? Pa’no ba dapat? ‘Kaw nga.
At biglang tumayo si Annoying Orange.
“Mr. President, we begin to doubt your ability in leading this class. Thus, I move that you, Mr. President, will be removed from the position.”
Nagpanting ang tenga ko sa narinig ko. Ako si Pipay, walang inaatrasan. Kung English ang binato nila sa’kin, English din ang ipapamumog ko sa kanila. I don’t just back up, I mean, back down, without a fight. Maraming nadagdag sa vocabulary ko simula nang mag-unan ako ng dictionary last week kaya dudurugin ko sila sa verbal fight.
On what reasons? Is it with my inability to express myself well in English? Tanong ko sa kanila. Naginginig pati baba ko sa gigil.
“That’s one but we have several reasons.”
I’m sorry to hear that. But don’t you realize that I am a legitimate elected official and only impeachment can make me removed from my office. Be sure you know that what you are doing is constitutional because I know my rights. I am assured of the status quo if you cannot present the prima facie of the case you are building up against me. And I will bet my unproductive ovary when I say that you will fail bringing me down to your level. I am spitting fire right now because this is the biggest injustice I have experienced in my life.
Laglag panga nila sa interpolation ko. It’s blood everywhere! It’s massacre performed by me, Pipay. Noseblood sila sa Miriamic speech ko.
Standing ovation ang lahat except kay Annoying Orange. Nagkamali siya ng paraan ng pagsisibak sa’kin sa pwesto. I was provoked. Kung ‘di nya ako ginalit, ‘di ko kayang mag-English ng ganun. Buti di niya alam yun.
Natapos din namin ang election. Ngunit malaking bagay ang natuklasan ko sa sarili ko. Kaya ko palang ipaglaban ang sarili ko sa mga inglesera kong classmates. Kaya mamayang gabi, dalawang layers na ng dictionaries ang gagawin kong unan – Merriam-Webster at Oxford Dictionary.
“No one can make you feel inferior without your consent.” Sabi yan ni Eleanor Roosevelt.
Ako si Pipay. Transferree. Class president.
Nice
ReplyDelete